Ano ang Pilipinas?

Satellite image of Philippines in March 2002

Siguro heto rin ang makikita ng bagong satellite ng Pilipinas – sa pangalang Diwata.

Alam na natin kung saan ang Pilipinas. Alam na natin kung ilang isla at populasyon, mahigit-kumonti. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng Pilipinas? Depende yata ito sa nagsasalita. Para siguro sa iilang mga malalaking negosyante, sila na ang Pilipinas, kung ano ang ikabubuti nila ikabubuti din nga Pilipinas. Para naman sa iilang mga grupo sa pulitika at iilan sa kanilang mga supporter, sila na ang mas nakakaalam higit sa kahit sinong hindi kasali sa kanilang grupo kung ano ang ikabubuti ng Pilipinas, at iyong hindi kagrupo madalas nilang hindi na nirerespeto.

Kahit sino ang manalo sa darating na eleksiyon, malamang na hanggang 35% lang ng boto ang makukuha niya. Iyong iilang mga talo at supporter nila malamang na aangal at kakalabanin ang Presidenteng inihalal, kahit masira pa ang pag-unlad ng Pilipinas. Masasabi bang para sila sa Pilipinas? Ano ngang “Pilipinas” ang nasa isip nila? Mga mayayaman lang? Mga maykaya lang? Mga mahihirap lang? Mga kayumanggi lang? Mga may pinag-aralan lang? Ewan ko ba. Baka maraming magsasabi, kung maging tapat sila, na “kapakananan o kapangyarihan NAMIN” ang mahalaga.

Tignan natin ng mabuti kung ano talaga ang maaring nasa isip ng iilan – pasalamat tayo sa bawat hindi ganyan at nag-iisip para sa buong bansa:

  • Iilang mga Dutertista: di baleng maghirap ang mga squatter, basta kumikita ako. Bahala na si Digong pumatay sa mga puwedeng maging problema ko, may kasalanan man o hindi.
  • Iilang mga maka-Binay: di baleng maubos ang pera ng bayan, basta kuntento ako. Bahala na si Jojong gumawa ng paraan para malibre ako sa cake, sa wifi, sa medical care.
  • Iilang mga maka-Roxas: di baleng maghintay ang mga wala pang oportunidad, basta ako meron. Kahit hindi madanas ng mga walang gaanong pinag-aralan sa talambuhay nila ang pagbabago.
  • Iilang mga maka-Poe: di baleng hindi alam ni Grace kung paano niya aayusin ang Pilipinas, basta maaliw niya ako sa magandang pangarap na itinatanghal niya.
  • Iilang mga maka-Miriam: di baleng makaluma ang pamamalakad niya at hindi epektibo, basta maramdaman ko na siya ang pinuno at mahigpit magsalita.

Ano ngayon ang mararating ng Pilipinas sa bandang huli? Wala. Kulelat pa rin. Hindi aasenso. Tuluyang maiiwan ng mga ibang bansang mas may pagkakaisa at isip.

Ipagpalagay nang may kapalpakan si Presidente Aquino. Kaunti o marami depende sa paghusga. Pero kahit ganoon huwag din ipagkaila ang mga halimbawa ng nagawa na:

  • Gawa ng Pantawid Pamilya, maraming mahihirap na natutulungan. Hindi lang iyon, mas maganda ang mga nakakasanayan nila, at mga anak nila nakakapag-aral.
  • Gawa ng K-12, tumataas ang antas ng pag-iisip ng Pilipino. Natignan ko ito at mahusay. Hindi tulad ng dating sistema, madalas na walang silbi para sa tunay na buhay.
  • Gawa ng Go Negosyo Act at Negosyo Center, napapadaling magtayo ng negosyo ang ordinaryong tao. Hanapbuhay ang pinaguusapan dito, hindi pamumulubi o pagka-api.
  • Gawa ng Oplan Lambat Sibat at pag-aayos sa PNP, maaring maging mas tahimik at sigurado ang pamumuhay ng ordinaryong tao. Hindi ko alam kung may epekto na ngayon.
  • Gawa ng pagtaas ng ekonomiya, maraming nagkakaroon ng hanapbuhay. Sa turismo at iba pang negosyo. Ewan ko lang kung mas mabilis pa rin ang pagdami ng mga Pilipino.

Hindi ko sinasabing perpekto ang gobyerno. Baka kulang pa ang ginawa nila. Hindi ko rin tiyak na masasabi kung paano mapapaganda pa ang mga nasimulan at maiwasan ang mga kapalpakan.

Pero heto ang masasabi ko: hindi tulong ang gumiba sa nasimulan na, kahit kulang pa o hindi pa ganyang kaganda ang nasimulan. Parang nagtayo ka ng bahay, tapos sinunog mo para magtayo ng mas maganda. Dahil sa wakas, nasa iisang bansa ang mga Pilipino. Walang ibang titirahan kapag binagyo. Hindi puwedeng mag-migrante o mag-OFW lahat sa dami. Pilipinas ang siyang kawawa.

Irineo B. R. Salazar, M√ľnchen, 19 January 2016

 

 

6 thoughts on “Ano ang Pilipinas?

  1. Maraming salamat Irineo sa iyong isinulat na may pamagat na “Ano Ang Pilipinas” (January 19/20,2016). Binigyan mo ng malinaw na pagsasaad ang mga tanong at sagot na makahulugan sa mga nakararaming Pilipino na walang kakayahang ipahiwatig kung ano nga ba ang mabuting gawin upang maipagpatuloy ang bansa sa magandang kinabukasan. Sana ang diwa na manaig sa isipan at gawa ng mananalong presidente at bise ay “Bayan Bago ang Sarili” o walang pag-i-imbot na paninilbi sa lahat ng mga mamamayan.

  2. Maraming salamat Irineo sa iyong isinulat na may pamagat na “Ano Ang Pilipinas” (January 19/20,2016). Binigyan mo ng malinaw na pagsasaad ang mga tanong at sagot na makahulugan sa mga nakararaming Pilipino na walang kakayahang ipahiwatig kung ano nga ba ang mabuting gawin upang maipagpatuloy ang bansa sa magandang kinabukasan. Sana ang diwa na manaig sa isipan at gawa ng mananalong presidente at bise ay “Bayan Bago ang Sarili” o walang pag-i-imbot na paninilbi sa lahat ng mga mamamayan.

  3. Madaling sabihin na kahit sinong presidente kayang ituloy ang programa ng nakaraan na gobyerno. Pero madalas hindi ito ang nangyayari.
    Mga proyekto ay hindi itutuloy kesyo ito ay maanomalya, kaaksayahan ng pera o kung anu pa mang dahilan.

    Tulad ng sinabi natin madaming ayaw sa pan tawid pampamilya kesyo ito daw ay nagdudulot ng mendecancy o ito ay isang dole out.
    Iyan sa akin ay sayang at nakapanghihinayan kung tatang galin.
    Kung lahat ng magandang programa sa itaas ay ningas cogon o dili kaya ay itapon na lamang sayang lang.

    Wala talagang national interest. kanya kanya talaga.

    maiba ulit tayo, may nagsasabi na ang federalismo ay magdudulot ng ng pagkawatak watak at mas maganda ang central government.

    ang iba naman watak watak na nga tayo at puro imperial manila naman kaya dapat federalismo.

    kanya kanya talaga.

    • Kahit saan sa mundo, may iba’t-ibang sistema kung paano ibalanse ang kanya-kanyahan (indibidwal) at ang pangangailangan ng kabuuan – bansa.

      1. Sa isang panig, nandiyan ang mga diktadura at imperyo – Russia, China, Alemanya noong panahon ng mga Nazi.

      2. Sa kabilang panig, nandiyan ang magulo at mapanganib na kanya-kanyahan – Liberia at Somalia noong civil war nila, Alemanya noong 30 years war na nagkaubusan ng lahi.

      3. Ang Alemanya nagdaan din sa “feuding” o Fehde na parang rido ng mga Moro, tuluyang ipinagbawal lang noong 1495: https://en.wikipedia.org/wiki/Landfrieden

      Iyong balanse naman ng kanya-kanyahan ng mga lugar at kapangyarihan ng bansa, marami ring iba’t-ibang paraan para aregluhin ito:

      1. Sentralismo ng mga Latin people: Pranses at Kastila. Kung ano ang iutos ng hari o Presidente sa Madrid o Paris, ginagawa sa buong imperyo o bansa.

      2. Federalism ng mga Germanic people: Aleman o Swiss. May kanya-kanyahan ang bawat lugar (canton, municipality, State) pero may mga bagay na hawak ng Federation.

      3. Sa Pilipinas centralistic sa papel, kanya-kanyahan sa katotohanan. Sa iilang lugar kung anu-ano ang ginagawa ng mga LGU, sa iilan maganda, sa iilan kurakot at gulo.

      Nakita na yata ni Mar Roxas iyan dahil nagsilbi siya bilang pinuno ng DILG, kaya gusto eto iyong mga sistemang naisip niya at ng iba pang mga nasa gobyerno:

      a. Oplan Listo. Ihanda ang mga LGU para kaya nilang mag-react sa mga disaster, pero sa tulong ng mga kakayahan ng national government: PAGASA, Project NOAH.

      b. Bottom-up Budgeting. Bigyan ng pera ang mga LGU, pero sila muna ang mag-budget para responsable sila sa paggastos. Sana nawa may efficient auditing procedure dito.

      Ang BUB parang 4Ps para sa mga LGU. Dahil pareho lang ang problema ng mga taong mahirap at lugar na mahirap: nasanay sa hindi magandang habit o pamamalakad.

      a. Sa 4Ps, isinasanay ang mga tao sa magandang habit. Regular na pagpunta sa doktor, paaralin ang mga bata. Tinuturuan sila ng disiplina sa sarili.

      b. Iyong BUB ganoon din. Tinuturuan ng disiplina sa sarili ang mga LGU. Para hindi loanshark at kurakot ang bagsak na naman nila sa bandang huli.

      Sa tingin ko heto ang tamang pamamalakad, at si Roxas ang mas makakagawa kaysa iba. Sa tulong ni Leni dahil mas nakakapa niya ang pangangailangan ng taongbayan.

      a. Mali ang pamamalakad na a la GRP o Santiago. Kung lagi mong pipintasan ang mga tao, hindi sila matututo. Maiinis lang sa puro pintas, magsasara ang isip.

      b. Mali rin ang federalism sa ngayon. Iyong mga marunong na sa pamamalakad aasenso – halimbawa Albay. Iyong mga pangit ang pamamalakad, lalong lulubog.

      Bahala ang bawat isa sa kanyang idedesisyon sa pagboboto, kaya lang sayang din kung hindi pag-isipan ng mabuti. Dahil sa bandang huli babalikan sila nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *