'Tis the seasonOK lahat, inggit lang sila, tayo pataas na. Hindi nahuhulog sa motorsiklo o nagpapakumbaba. Di bale kung ang apo mukhang Christmas tree sa dami ng kristal, bagay naman sa time of the year! At bakit naman bababa si lolo sa Biliran, ano siya isang Mar Roxas na magmumukhang tanga? Tama na hindi niya pinansin iyong itim na mayabang na iyan, iyang Obama – kay Trump siya ngayon malakas, sa puti mismo!  At problema ng dilaw kung kikita tayo ngayon sa bagong telecom na galing Tsina, pagkat sila kumita na, tayo naman ngayon. Balang araw, sila ang katulong natin.

At bakit daw masama ang Harvard ni Aika? Ugok, ang liwanag! Iyang pag-aaral na iyan, para lang iyan sa Ingles na magandang pakinggan. Anong napala ng tangang Mar Roxas sa Waharton niya? WALAAA!! Ni MRT di niya maayos! E si Aquino na Atenista? Nadenggoy sa bakuna! HAHAHAAA! Tayong mga DDS, matitinik talaga. Alam natin kung saan ang pera at kapangyarihan, so needed pa ba ang mag-aral ng marami? Tignan ninyo ang susunod nating Presidenteng si Manny Pacquiao! DISKARTE ang kailangan. Aasenso tayo, iyong mga dilawan na iyan, hahalikan nila paa natin!

Eh bakit daw kamo plastik si Leni? Siyempre, bakit ka pa bibili ng damit na simpleng tignan kung mamahalin naman pala? Ibig sabihin noon, marami kang pera masyado, ano iyon gagastos ka na hindi kita ng mga tao? Malay natin, may mga barko at Ferrari sila sa may bandang Hollywood. Iyong hindi natin kita, mga ka-DDS! Ganyan talaga iyong mga ipokritong maka-USA na ganyan. Kuripot sa Pilipino, pero pag sa labas sosyal! Lalo na pag nagpaplano sila nila Loida Nicolas-Lewis. Daig pa si Imelda sa luho! Buti pa tayo, tunay na tao. Nakikita kung saan napupunta ang pera!

At ano iyong puro ngiti-ngiti ni Leni na akala mo ang bait-bait? Walang tao na ganyang kabait! Magbait-baitan ka lang ng ganyan kung waitress ka na sumisilbi sa mayaman at mataas. Kung may class ka, dapat mataray ka. Tulad ni Mocha. Tulad na Isabelle Duterte na nagtweet ng “some dumbfucks think I am 15”. O kaya iyong sumampal sa taxi driver noong isang araw. Iyon ang tama. Dapat alam ng mabababang tao kung nasa lugar sila o hindi. Wala naman talagang pantay-pantay. At iyong mga adik at pusher? Alam naman nila ang mangyayari, bakit di sila nagbago? Mga tanga!

Petmalu ang uso talaga ngayon. Malupet! Kung mataas ka at puwedeng makipag-junket ka Tatay Digong, gud! Kung hindi, at least naman meron ka sanang wang-wang! Kung hindi pa rin, astig ka dapat kung mag-counterflow. Buti pa sa ganoon kung medyo may dugo kang Intsik at mukha kang siga, masisindak sila sa iyo, akalain nilang anak ka ng tulad nila Peter Lim, na hindi magagalaw! Kung madiskarte ka, gradweyt ka sa level nila Polong. Ganda ng kinabukasan. Iiyot ka ng maganda. Sa Solaire Casino ka tataya. Condo sa BGC. Tangina nila. Masagasaan man sila. Basta tayo asenso!

Irineo B. R. Salazar wishes all readers a Merry Christmas
from München this 20th of December, two-thousand seventeen.