October 2017
M T W T F S S
« Sep    
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
3031  

Tungkol sa Gobyerno ni John Locke, Unang Parte, Chapter 1

John Locke (Wikimedia)

Introduksyon ng nagsalin: Si John Locke ang tanging nagbigay ng pundasyon sa mga prinsipyo na nagtaguyod sa Estados Unidos. Isa siyang Ingles na inspirasyon nila Thomas Jefferson para sa Declaration of Independence at Constitution ng US. Heto ang pangunahing parte ng kanyang “Two Treatises of Government”. Kontra sa patriarchalism o maka-apong pag-iisip ang unang parte, tungkol naman sa gobyernong sibiko ang pangalawa.

Ang orihinal na Ingles ay matatagpuan dito: http://socserv2.socsci.mcmaster.ca/econ/ugcm/3ll3/locke/government.pdf. Iyong mga manunulat noong araw, tulad din ng mga blogger ngayon, nagsasagutan. Sagot ni John Locke itong unang bahagi ng “Tungkol sa Gobyerno” kina Robert Filmer at ang kanyang mga sunud-sunuran na para sa maka-apo (patriarchal) na pag-iisip na kontra sa kalayaan.

Pabor sila Filmer sa mga katulad ni King James II, na naniniwalang may banal siyang karapatang mamuno, kaya siya pinaalis ng mga Ingles. Sila Locke naman ay para kay King William, na ginusto ng mga taongbayan at sumunod kay King James II pagkatapos ng ito’y palayasin.


Pagkabisto at paglansag sa mga maling Prinsipyo at Pundasyon nila Sir Robert Filmer at mga sunud-sunuran niya.

Unang-una: Napakasama at kasuklam-suklam ng pagka-alipin para sa tao, at salungat talaga sa kabaitan at lakas-loob ng bayan natin, na napakahirap isipin na para dito ang isang Ingles, mas lalo pa isang maginoo. Dapat sana’y ang trato ko sa Patriarcha ni Sir Robert Filmer ay parang biro lang, tulad ng lahat ng talakayan na gustong palabasin na alipin lang tayo at ito’y karapat-dapat, at hindi ko sana sineryoso kundi sana napakaseryoso ng kanyang titulo at pagkasulat, pati iyong litrato sa harap ng libro at ang paghanga sa kanya ng marami. Kaya sineryoso ko ang nagsulat at naglimbag.

King James II of England

King James II

Kaya binasa ko ng husto ang librong ito, at umasa akong may sinasabi ito gawa ng maingay talaga ang paghanga sa kanya sa abroad, pero nagtaka ako na ang buhangin lang pala ang mga kadenang gusto niyang gawin para sa mga tao, maganda siguro para sa mga gustong manloko at mang-uto ng tao, pero hindi makakapag-alipin sa mga taong bukas ang mata at mulat, na nakakaalam na hindi bagay isuot ang mga kadena, kahit pulidong-pulido sila.

Pangalawa: Kung may makaisip man na wala akong galang kung magsulat ng napakalaya tungkol sa isang champion ng kapangyarihang lubos, at idolo ng mga sumasamba rito; nagpapaamo ako ng isang beses man lang na pagbigyan ang isang tao na kahit nabasa na niya ang libro ni Sir Robert ay may sariling isip pa rin, dahil nasa batas na ipinipayagan siyang maging malaya: at wala akong nalalaman na mali sa pagiging ganito, maliban sa may makapagsabi sa akin, gawa ng kanyang mga argumento, na ang kanyang pagtatalakay ay ang tanging tama para sa pulitika magmula ngayon.

Simpleng direksiyon lang ang kanyang pagdadahilan, na ang lahat ng gobyerno ay paghaharing lubos, at ang kanyang pinagtatayuan ay heto lang: “walang taong ipinanganak ng malaya”.

Pangatlo: sa mga nakaraang taon, may henerasyong sumibol na nais sumipsip sa mga matataas, at sinasabi nila sa kanila na may banal na karapatan sila sa kapangyarihang lubos, kahit ano ang mga batas na pundasyon nilang mamuno, at kahit papaano sila mapunta sa puwesto; at marami pa silang mga matimtim na panunumpa at pangako para patibayin na susundan nila ang mga ito.

Para magawa nila itong gusto nila, tinatanggihan nila ang natural na kalayaan ng tao; hindi lang nila nilagay sa sukdulang paghihirap ang kanilang mga mamamayan, kundi tinanggalan din nila ng karapatan ang mga dating mga pinunongbayan (dahil sila rin, maliban sa iisa lang, sa sistema nila, ay ipinanganak bilang alipin, at dapat sumunod sa iisang tagapagmana ni Adam); para bang ninais nilang makipag-gyera sa buong gobyerno, at wasakin ang mismong pundasyon ng lipunan, para makabuti sa kanilang pagiging nasa puwesto.

Bongbong Marcos

Ferdinand Marcos Jr.

Pang-apat: Dapat nating paniwalaan ang mismo nilang salita kapag sabihin nila sa atin na “tayo’y alipin lahat, at dapat nating ituloy ito;” at walang remedyo para rito, alipin ka sa pagsilang mo hanggang sa mamatay ka. Wala siguro iyan sa Bible o sa anumang pag-iisip, kahit palagi nilang ulit-uliting banal na karapatan ng isang tao lang ang mamuno. Ang ganda naman kung ganyan talaga ang nararapat sa tao, at sila lang ngayon ang nakatuklas na tama ito!

Kahit laitin ni Sir Robert Filmier sa Patriarchia Parte Tres ang palagay na salungat sa kanya, mahihirapan siyang makahanap ng ibang panahon o bansa, maliban sa kanya, na nagsabing banal na batas ang paghari ng isang tao lamang. Inaamin din niya sa Patriarchia Parte Cuatro na “pinagtibay nila Heyward, Blackwood, Barcly atbp. ang karapatan ng naghahari sa halos lahat ng punto, pero hindi nila ito naisip, gawa ng inaamin nilang natural na malaya at pantay ang tao”.

Panglima: Bahala na ang mga historian kung sino ang nagpauso ng ganitong doktrina dito, at kung ano ang mga masamang epekto nito para sa lahat, o kaya sa mga nakadanas nito. Gusto ko lang talakayin ngayon ang isinulat ni Sir Robert Filmier, dahil siya ang talagang nagbuo ng argumento kung bakit daw tama ito: dahil kahit sinong may pinag-aralan ay aayaw sa ganitong bobong sistema ng pulitika, na nagsasabing “hindi malaya ang tao, kaya hindi sila ang dapat mamili ng kanilang mga pinuno o sistema ng gobyerno”.

Para sa kanya, lubos ang kapangyarihan ng isang hari, at banal na karapatan, dahil walang karapatan ang mga aliping gumawa ng sariling kasunduan o umayaw dito. Lubos daw ang paghahari ni Adam, kaya ang lahat ng hari magmula sa kanya, ganoon din ang karapatan.

Isinalin ni Irineo B. R. Salazar, Munich, November 24, 2015.

1 comment to Tungkol sa Gobyerno ni John Locke, Unang Parte, Chapter 1

Leave a Reply

You can use these HTML tags

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>