Old House, Baaoang paboritong pananalita ng iilang Pilipinong nakakainis. Baka sabihin pa nilang BADUY. Ngayon naman, may isang Badoy na nagrereklamo tungkol sa mga lumang gamit na pinakinabangan ni Bisepresidente Robredo para sa kanyang anak sa Harvard. Sa bandang huli, si Badoy ang nagmukhang bakya dahil hindi niya yata alam na normal sa US ang makinabang sa lumang gamit. Basura ang tawag niya doon. Salitang kastila ito. May basura ba ang katutubong Pilipino? Ewan ko lang.

Baduy at Badoy

Dalawang extreme na uri ng Pilipino ang nadanas ko. Meron iyong mga galing sa hirap, marunong magtipid, alam pakinabangan ang lahat ng bagay-bagay sa paligid nila. Meron ding mga galing sa hirap na kapag kumita ng unang pera, gastos agad para sa pakitang-tao. Gustong pumorma, gustong magpasiklab, gustong magpasikat. Minsan pagtatawanan pa nila iyong unang grupo, mga baduy daw. Samantalang para sa akin, mas Badoy iyong pangalawang grupo. Walang bibilib sa mga hanggang porma lang.

Tulad ng iilang mga migrante sa New York, halos bagong salta, na mahilig magkuwento kung paano sila magshopping sa New Jersey. Matagal na ito, pero hindi ko malimutan kung paano ako nag-iisip-isip kung ano iyong Sikokos na pinagsasabi nila, iyon pala Seacaucus kung saan may malaking mall. Tuwang-tuwa pa silang magkuwento kung paano “nagalit sa pera” iyong isang kasamahan nila noong isang weekend. Iyan ba ang uri ng Pilipinong gustong ipagmalaki ni Badoy? Eh di wow!

Luma at Basura

May mga Pilipinong nagsasabing luma lang naman daw ang mga building sa Europe. Di bali, maayos namang tignan. Ako naman, naalala ko iyong kintab at ganda ng Ali Mall noong itinayo ito sa Cubao – at kung gaanong kadali itong nagmukhang bulok pagkatapos lang ng isang dekada mahigit. Ang MRT3, dalawang dekada lang bulok na. Ang mga linya sa Berlin, kadalasan mahigit isang daang taon nang tumatakbo, mas maayos pang tignan at tumatakbo ng maayos. Bakit kaya naging ganyan sa Pilipinas?

Siguro dahil naisaloob ng maraming Pilipino ang mababang pagtingin sa kanila ng iilang mga Kastila. Na mga basura raw sila. Baka basura rin sa Espanya ang nagsabi. Ano naman ang ginawa ni Juan at Juana? Binasura ang sariling kultura. Nasaan na ang magagandang mga lumang bahay sa Pilipinas? Sa Europe hindi ginigiba ang luma, binibigyan ng halaga. Binasura ang sariling itsura. Ibinabalot ang sarili sa imported goods, kaya nagpapakatuwad para sa dolyares. Sarili binasura. Sayang.

Pati tao binabasura

Sa mga kalye ng Pilipinas, pati tao ngayon binabasura – nakabalot ang mga ito ng masking tape o packing tape, ewan ko ba kung ano ang tamang tawag doon. Kadalasan doon sa mga lugar nila, ang dami nang basura sa kapaligiran. Baka hindi lang tamang pag-alaga sa gamit, sa tren at building ang dapat matutunan ng Pilipino kundi tamang pag-alaga sa tao – pagdating sa kalusugan, sa pag-aaral, sa makukuhang trabaho. Huwag na iyong maarte at nagmamataas na “Pweh, BASURA”! Tama na iyan.

Irineo B. R. Salazar
München, ika-2 ng Hulyo 2017