Pondo ng Panday

Ramon Bong Revillaninakaw sa gobyerno, hindi sa bayan. Ang “gobierno” ba, salitang Pilipino? Hindi! Kaya parang nagnakaw na rin si Bong Revilla sa mga Kastilang mang-aapi, sa mga banyaga! Kabitenyo pa man din si Bong Revilla, Tagalog na talagang matapang at mabagsik! Ipinanindigan niya ang ginawa niya kaya huwag kayong mag-isip nang paninirang-puri! Lalo na kayo diyan, mga dilawan, mga Inglesero, mga baklang Atenista at Makati boys! Akala ba ninyo masosolo ninyo ang pera sa Pilipinas? Subukan niyo siyang kalabanin!

Kayong dada ng dada diyan, puro kayo morals-morals, puro human rights at dimokrasi! Iyan pati sa mga akala ninyong kakampi ninyo talo din kayo, tunay na Pilipino panalo! Batas at katarungan magkatugma na muli! E ano kung tax money ninyo iyan, dilawan? Iyang pera ninyo, ninakaw ninyo sa bayan mula pa noong panahon ng mga Kastila! Kaming mga tunay na Pilipino, hirap na hirap, panahon na para makabawi kami sa inyo! Kita ninyo ang taongbayan na tuwang-tuwa sa pagpapalaya ng Pangalawang Panday?

Iyang si Maria Ressa, hindi dapat bumalik iyan galing sa States. American na iyan. Hindi maganda para sa bayan ang kanyang ginagawang pamimintas sa mga pinuno! Buti nga kung mapaparusahan siya. Parang binawi na rin natin ang kinamkam ng Kano! Si Trillanes naman, ahente talaga ng mga Kano iyan. Contact nila Colonel Saunders. Ano, sino raw siya? Hepe ng Kentucky Fried Chicken? Mali kayo. Jolibee ang kalaban. Tandaan ninyo ang sinabi ni Prinsipe Polong. Ang bee mismo, umamin na sa PNP:

E ano kung si Kris Aquino nasa taas ng listahan ng mga nagbabayad ng buwis? E ano? Good citizen, good manners and right conduct, pati na decorum, de quorum. Tangina! Magbayad ng kahit isang dantaon pa ang mga burgis, mga hasyendero, mga ilustrado! Sila ang tunay na magnanakaw, hindi tayong mga tunay na Pilipino! Bumabawi lang.. anong silbi kung magbayad si Manny Pacquiao ng buwis, imbes na magtayo ng bahay para sa mahihirap? Mga Westerner talaga, hindi alam kung sino ang tunay na bayani!

E iyon namang mga itinatawag na “People’s Champions” nitong si Inhenyerong Salsal? Hindi sila para sa bayan. Iyang rule of law na iyan, para sa gobyerno lang iyan. Diokno? Paano ang tunay na Pilipino kung wala nang joke? Tañada? Walang ñ sa wika natin!  Bam Aquino? Paano naging para sa bayan iyang bachoy na Atenistang iyan? Please!  Basta ako, meron ang akong moral character. Iyong certificate of good moral character. Hindi nalaman ang kabalastugan ko. Kaya doon ako kay Panday Dos. Hindi ipokrito!

Leila De Lima warrant arrestAnong mapapala diyan sa mga ipokritong padasal-dasal? Tunay na lalake, lumalaban! Kaya doon tayo kay Bong Revilla, Panday Dos, at huwag sa mga duwag na dilawan! Darating din ang araw na ikukulong natin silang lahat, iiyak sila sa loob. Buti nga ano. Madanas nila iyong nadanas ng mga tunay na tao, ng mga pinuno at mga artista natin. Tignan ninyo si Leila, angal ng angal, wala na iyang martir-martir, tapos na ang panahon ng mga prayle! Di ba sabi ni Tatay Digong inutil ang mga obispo, at tanga ang mga nagsulat ng Baybol?

Tunay na warrior, hindi nagpapahuli, hindi nagpapatalo. Kaya dakpin natin si Trillanes. Ipakita natin sa dilawan na talunan ang morals-morals nila. Walang liligtas na Diyos. Walang liligtas na Kastila o Kano dahil Tsina na tayo. Sige, kain na, huwag Jolibee ha?

(Satire) by Irineo B. R. Salazar
München, 8 December 2018

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *