Eleven Blind Leaders (1910?)Maganda at may nilabas nang programa ang kandidatong si Mayor Duterte. Nasa ThinkingPinoy ang mga detalye. Mabuti at hindi lang sampalan ang pinag-uusapan ngayon. Mahalagang pag-usapan ang ugali ng isang magiging Presidente, kung mapagkakatiwalaan ito o hindi, kung kaya niya ang pamumuno at iba pa. Mahalaga ring pag-usapan ang kakayahan ng isang kandidato, kung ano ang kanyang nagawa na, para malaman kung kaya niyang gawin ang ibinabalak niya. Mahalaga rin ito para malaman kung tugma ang mga pangako niya sa dati niyang pamamalakad.

Napupunta na sa pagiging mas mature ang politika sa Pilipinas. Hindi na Kindergarten, hindi na Elementary, hindi na rin High School. Sa iilang bagay, Undergraduate pa, ibig sabihin hindi pa naka-graduate para maging Bachelor. Sa iilang bagay, Graduate level na, ibig sabihin papunta ng Master’s. Hindi basta-basta ang magpatakbo ng isang bansa. Lalo na iyong nagiging moderno na, pero hindi pa sanay doon. Lahat ng bansang naging moderno, nagdaan sa gulo at hirap. Pag-aralan ang kasaysayan para malaman ito. Pero balik tayo sa programa ni Atty. Rodrigo Duterte:

  1. Corruption: Increase salary of military and police to give them dignity and dissuade them from taking bribes
  2. Public Order: Inspire Filipinos to be disciplined so future Filipinos can inspire each other to do the same.
  3. Industrialization: Revive the country’s steel industry, arguing that it’s the most important step towards industrialization
  4. Economic Policies: Make our economic policies and laws simple and believable, protect the investments that will come in.
  5. Foreign Investments:  Creation of Free Zone-type “business islands” to encourage investmentand create jobs.
  6. Food Security: Improve logistics to lower food costs; Make GOCC-banks’ credit facilities more accessible to the poor farmers and fishermen
  7. Education: Use of technology to address classroom shortage; Use of government and mass media to revive and promote Values Education
  8. Education: Implied the return of children’s TV programs, so the question is… ibabalik ba niya ang Batibot?

Pagsusuri sa Programa

Corruption: meron modernisasyon na ang PNP na nabanggit ko sa artikulong Seguridad ni Duterte, sa tulong ng Alemanya mula pa noon 2009. Siyempre hindi kaagad mababago ang isang organisasyon na napakalaki at marami nang nasanay sa maling pamamalakad. Maganda ang magtaas ng suweldo, at itinataas naman ng gobyerno ito. Pero tignan muna kung kayang bayaran. Maraming mga gustong magbaba ang taxes. Hindi maaring isabay ang pagbaba ang taxes at itaas ang suweldo ng mga nasa gobyerno. Sobrang dami na yata ng government employees ngayon. Dapat bawasan ang mga ito sa tagal-tagal, pero dapat may matinong plano sa computerization. Merong proyekto ang DOST na iGovPhil. Malawak na computerization program na para sa gobyerno. Ilang taon na. Computer specialist ako, beterano na talaga. Alam ko kung gaanong katagal ang ganyan. Dapat kasama din dito ang isang database para sa kapulisan. With national ID if possible. Lahat ng bansa sa Continental EU may national ID at lahat ng tao dapat mag-register kung saan nakatira. Sa England at USA lang ito hindi uso. Bakit kasi sa USA lahat ginagaya?

Public Order: kasama sa K-12 ang Edukasyon sa Pagpapakatao. Hindi nakukuha sa biglaan ang pagiging displinado. Noong panahon ng Martial Law, bawal ang private firearms, pero iyong mga may hawak ng sandata sa estado, minsan inaabuso ang kapangyarihan nila. Mas maganda ang bagong programa ng PNP, kasama ang taongbayan, community based. Otherwise, iyong mga curfew ng Davao hindi masama. Normal ang ganyan sa Alemanya kung saan ako nakatira. Ang Protection of Young Persons Act halimbawa ay isang Federal Law. Bawal ang magtinda ng alak o sigarilyo sa mga menor de edad, kung bata ka pang tignan hihingan ka ng national ID ng tindahan – kung hindi sila ang magbabayad ng multa. Pero pagdating sa Public Order, mag-ingat sa pagka-close ni Mayor Duterte sa mga NPA. Ayaw na siya ng maraming militar gawa nito, lalo na iyong sitwasyon sa Davao ngayon. Pagkakaisa ang mahalaga para sa Public Order. Nadanas na ng Alemanya ang karahasan para ipilit ang Ordnung. Hindi umobra. Kung sa ngayon lang, lahat ng ibang kampo inaaway na ni Duterte at lalo na iyong mga supporter niya, baka lalong magkawatak-watak lahat.

Industrialization: ang steel industry sa buong mundo ngayon nahihirapan na. Iyong mga murang mag-produce tulad ni Mittal na taga-India, natatalo ang mga European companies. At hindi na lahat nagdedepende sa steel. Iyong mga modernong kumpanya tulad ng Airbus na gumagawa ng eroplano o Daimler-Benz na gumagawa ng Mercedes, composite materials na ang madalas gamitin. Ang Daimler-Benz, gumagamit pa nga ng abaca ngayon – native product ng Davao at Albay ito. Tignan kaya ng mabuti kung anong magagawa rito. Dahil kahit sa metal kailangan ng matinding pananaliksik para makagawa ka ng matibay na produkto. Meron na nito ang DOST: iyong Metals Industry Research and Development Center. Kaya sila nakadevelop ng Roadtrain at AGT na maaring pumalit sa MRT balang araw. Nakita sa MRT na mahirap ang umasa sa parteng galing sa abroad. Lahat ng maunlad na bansa may sariling teknolohiya at pananaliksik. Huwag tanggalin ang Algebra para sa magiging scientist, iyong vocational wala nito sa Grade 11-12. Tignan ang K-12 Plus na tinutulangan din nga Alemanya, may training sa trabahador sa manufacturing.

Economic Policies: tama. Halu-halo at tagpi-tagpi ang mga batas ngayon. Maraming lusutan na pampabagal sa hustisya. Nabanggit ko rin sa artikulong Seguridad ni Duterte na matagal nang may project ang DOJ para gawing mas simple at wala nang lusot ang Criminal Code, sa tulong din ng Alemanya. Natapos na ang Draft nito noong 2014, pero ewan ko kung nasaan. Sa nababasa ko mukhang tamad ang Kongreso, baka hindi nila ito inaasikaso. Pero meron nang nagawa ang Go Negosyo Act, meron nang mga Negosyo Center, halimbawa sa Cebu at Davao. May nakinabang na.

Foreign Investments: meron nang katulad ng sinusuggest ni Mayor Duterte ang PEZA. Para ito halimbawa sa mga gustong magtayo ng BPO company. Ano pa ang kulang sa tingin ni Mayor? Baka parang Hong Kong at Macao style ang gusto niyang gawin, o kaya iyong mga Export Processing Zone (EPZA) ni Marcos? Ang naging problema sa mga EPZA ni Marcos, iyong mga karapatan ng mga trabahador, madalas na natatapakan kaya lumakas ang mga Komunista. Sa bagay, mukhang close si Mayor Duterte sa mga NPA. Baka puro Chinese companies ang ipasok sa Pilipinas. Racist ang mga Chinese, baka alipinin lang nila ang mga Pilipino. Mabuti pa iyong gumawa ng sariling industriya na nakabase sa pananaliksik at engineering. Magandang simula na ang mga proyekto ng DOST at ang K-12 Plus, pati na ang K-12 para tumaas ang antas ng edukasyon na kinakailangan ng Pilipinas para maging tunay na industrial country at hindi lang pagawaan ng iba.

Food Security: mukhang napabayaan ito. Pagdating sa logistics, marami ng mga daang ginawa ang gobyerno ngayon sa pamamagitan ng PPP. Iyong namang distribution logistics, maganda ang nakita ko rito sa Alemanya: iyong BAYWA. Sila ang nag-aarkila ng mga makina sa mga magsasaka, pati harvest storage at building materials may serbisyo sila. Pag-aralan ito dahil may ganyan ding si President Quezon noong araw, Marcos din kaya lang cronies ang nakinabang. Pagdating naman sa financing, meron nang mga microfinancing projects na tinutulungan din ng Alemanya.

Education: nabanggit ko na sa itaas na maganda ang mga lesson plan ng K-12. Meron nang Values Education. Use of technology – meron akong nabasang partnership ng Globe at DepEd para mas gamitin ang Internet. Meron na akong nasulat na artikulo tungkol sa Internet sa Pilipinas – dapat ayusin ito dahil mabagal talaga. May ginagawa ang DOST ASTI pero baka kulang sa suporta. Tungkol naman sa TV, ang problema hindi iyon: maling paggamit ng Internet ang problema. Sobrang Internet nakakasira ng ulo. Dapat magulang ang piliting mag-control sa mga anak nila. Mahigpit talaga rito sa Alemanya pagdating doon. Kapag mga anak mo hindi pumapasok, o kaya laging nahuhuli sa kung anu-ano, puwedeng alisin sa iyo ng Jugendamt o Youth Office ang mga ito at ilagay sa foster family or kaya state facility na parang Boys Town. Bago mangyari ito, may counsellor munang bibisita sa pamilya para tignan kung ano ang kalagayan ng pamamahay, kung pabaya o kaya patapon ang mga magulang. Sa ganyan, maraming natutulungan bago pa mapunta sa krimen o droga iyong mga bata. Hindi kasalanan ng isang bata ang kanyang mga magulang.

Chikanobu Toyohara - Imperial Lineage

Imperial dynasty ng mga Hapon

Mga kulang pa

Metro Manila: pinakamalaking problema ito ng Pilipinas. Bakit?

  • overpopulated – pinakamasikip na na lugar sa buong mundo. Tignan ang population density para malaman.
  • lumulubog na – gawa ito ng groundwater subsidence. Nauubos ang groundwater, lumulubog ang lupa.
  • pataas ang dagat – lumulubog na, tapos pataas pa ang dagat. Puro baha ang mapapala sa ganyan.

Paalisin siguro ang Crame, Aguinaldo at Bilibid sa Maynila, pati na rin ang Wack-Wack, tapos iba pa. Kapag kumonti ang tao sa Maynila, mas madaling solusyonan ang traffic. Siyentipikong napatunayan na mas agresibo ang mga tao at dumadami ang krimen at droga sa mga siyudad, lalo na sa mga megacity na over 10 million na katao. Bawasan!

International relations: nasa gitna ang Pilipinas ng isang malaking conflict ng dalawang superpowers.

  • mas kabisado ng Pilipino ang ugaling Amerikano, kaya sa tingin ko mas magandang sila ang kaalyado.
  • ang Chinese, mababa ang tingin sa lahat ng Southeast Asian, dapat ba silang kaibiganin tulad ng sabi ni Duterte?
  • sa tingin ko, maganda ang ginawa ni Presidente Aquino. Kinasuhan ang China para iwasan muna ang gyera. Anong karugtong nito?

Mga oportunidad: para umasenso ang mga masisipag at matalino, kahit galing sila sa hirap o kamangmangan. Madami akong nakikitang mga anak ng mga migrante na umasenso sa abroad. Tulad ng anak ng dati kong yaya. Siya mismo, pinaaral ng nanay kong Aleman dahil nakita niyang matalino at masipag. Pero nahirapang makakuha ng trabahong katumbas ng pinag-aralan niya dahil ang tingin sa kanya dating katulong pa rin kaya nag-abroad din. Iyong anak niya, maraming wikang isinasalita at nag-aaral na ngayon sa Unibersidad. Ama niya magsasaka at tricycle driver dati sa Pilipinas, nanay niya nagdaan sa pagiging katulong at sekretarya doon. Maraming angking talino at kakayahan ang mga Pilipino na nasasayang gawa ng makalumang lipunan doon, kasi nagdedepende masyado sa level ng magulang mo ang makakamit mo sa buhay. May mga political dynasties – kasama na rin doon ang mga Duterte – pero hindi lang doon. Pati sa UP may mga dynasty ng mga propesor, sa Army may mga dynasty ng mga officer at kung saan saan pa. Kulang ang tunay na kompetisyon. Mga bansang maunlad, meron nito. Kahit iyong meron pang mga hari at reyna, hindi na masyadong binibigyan ito ng importansya kung anak ka na royal. Si Prince Andrew ng Inglatera, pareho lang ang trato sa kanya noong nasa militar siya. Walang favoritism. Kaya kung hindi sana nakipag-alyansa si Senadora Santiago sa mga Marcos na dynasty din, siya ang mas gugustuhin ko sa lahat. Umasenso siya gawa ng pag-aaral at kasipagan. Bihira sa Pilipinas ito.

Pambansang diskusyon

Babaeng Manobo (Wikimedia)

Mabuti at nagsisimula na ang pambansang diskusyon tungkol sa mga dapat gawin para matuloy ang pag-asenso ng Pilipinas. Sa ekonomiya meron na, pero marami pang hindi pa nakinabang kaya maraming hindi kuntento. Kasi ang Pilipino swapang madalas. Noong panahon ng mga Marcos puro mga crony. Noong panahon ni Arroyo puro mga oligarchs. Maski noong panahon ni Cory may mga kamag-anak siyang nakinabang na hindi niya macontrol gawa ng sobra niyang bait at pagiging inosente. Si Noynoy minsan hindi rin makahindi sa kanyang mga KKK. Si Ramos OK sana.

Itong mga pangugulit kong artikulo, ambag lamang ng isang napatagal sa abroad at nakakita na ng magandang pamamalakad. Maaring hindi magagawa ang lahat ng suggestion ko dahil baka hindi pa bagay sa kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas na magulo talaga. Malaki ang mga pagkakaiba ng bawat lugar, pati na ng mga tao pagdating sa ugali, edukasyon at kakayahan. Dapat siguro gawing mas pantay ang pamumuhay sa loob ng bansa – sa Alemanya, requirement pa nga ito sa kanilang Konstitusyon, Article 72 (2) – equivalent living conditions. Mahirap kasi kung may mga naiiwan.

Ang tingin ko kay Duterte, mayabang at pampagulo, pang-mayor lang. Pero maganda rin minsan iyong pampagulo para magising lahat, mapag-usapan, maiplano at maisagawa ang mga dapat gawin. Huwag sana biglaan at baka mahulog pa sa bangin, pero huwag din iyong sobrang bagal. Iba-iba ang mga Pilipino ngayon. Sa iba’t-ibang isla. Sa buong mundo. Pagsama-samahin ang kaalaman at karanasan. Makinig at gumalang sa magkaibang opinyon. Buhayin ang Demokrasya.

Irineo B. R. Salazar, München, ika-20 ng Disyember 2015

P.S. ano ang mga suggestion NINYO tungkol sa lahat na ito?