RB Treuchtlingen-Gemündenang kailangan ng Pilipinas ngayon, hindi na iyong drama na nakakasawa na at nakakalito pati. Malaking bansa ang Pilipinas, kaya imposibleng malaman ng Presidente o ng kahit sino ang talagang nangyayari sa buong bansa. Merong mga narereport na pulis na gumagamit sa gyera laban sa droga para mangkotong (link) – kaya kailangang alamin kung saan nagkaroon ng mga abuso ng kapangyarihan – ng iilang pulis, ng iilang barangay captain (link) o kung sino pa man. Papel ito ng taongbayan, sa tulong ng mga pahayagan at nang social media, pati na rin pamahalaan at hukuman.

Kahit saan nangyayari na may nababaril ang pulis – kahit dito sa Alemanya noong July 18. May binatang Syrian na nagwala sa tren na may dalang weapons (link). Hindi gaanong matagal ang debate rito tungkol sa nangyari, dahil iyong mga tanong ng iilang mga “berde” (partido ito na nasa kaliwa) sinagot agad ng isang eksperto ng police union. Sinabi nito na kung inatake ka na may axe, madaling sabihin na barilin mo sa binti para hindi na makaabante, pero sa aktuwal mahirap tumama kapag kailangan mong mag-react. Tapos ang isang normal na usapan. Hindi parang sa Pinas na walang nararating ang usapan.

At iba pa ang sitwasyon sa Würzburg dahil hindi ito pag-aresto na napaghahandaan. Ang nakikita ko sa balita kapag may inaaresto rito na posibleng may armas, lamang talaga ang mga pulis. Marami sila at madalas naka-armor pa. Mahirap kasi kung masanay ang lahat sa puro barilan na parang sa Wild West. Baka naman sa kagustuhang magkaroon ng mabilis na resulta, kulang sa backup ang mga umaaresto ngayon sa Pilipinas. Sila din ang kawawa dahil nakakatakot din para sa kanila. Hindi natin alam kung ilan ang nagpanic at bumaril, lalo na iyong mga batang pulis.

Nakita ko rito sa mga bansang mas asensado kung paano sila maglutas ng problema. Unang-una, alam nila na walang aksyon na perpekto. Pangalawa, lahat ng mali inaalam, walang tinatago. Pangatlo, iyong kaalaman tungkol sa mga pagkakamali, ginagawang aral para hindi paulit-ulit na mangyari. Dahil anong silbi ng pagpaparusa at pagpapahiya lamang, kung mangyayari ulit?

Lahat ng bansa, negosyo o tao na successful, nagkamali na, pero natuto rito. Sana iyong mga lessons learned ang atupagin sa susunod, para hindi na naman paulit-ulit ang history ng Pilipinas.

Irineo B. R. Salazar, München, 21 August 2016